Matagal nang nakarating kay Claudine Barretto ang mga naglabasang intriga tungkol sa kanya kaugnay sa pagkakaospital niya.
Nasa blind item lang ito dati na obvious na siya ang tinutukoy, pero lumabas sa Pinoygossipboy na dahil daw sa overdose ng shabu kaya isinugod siya sa Medical City. Nakausap namin ang handler ni Claudine at aware sila sa mga naglabasang intriga pero ayaw nang patulan ito ni Claudine.
Matagal nang lumabas iyang pagkakaospital at nu’ng Linggo ay nasa Party Pilipinas kaya nasagot na hindi totoo ang balita. Naospital siya pero matagal na raw iyun bago pa maglabasan ang mga blind item tungkol sa kanya.
May theraphy raw sa throat niya na kailangang ipa-treat dahil lagi lang itong namamaos. Iyun lang daw at wala nang mas malala pa roon.
Sinubukan naming kapanayamin si Claudine kahapon pero out of town na raw ito na malapit lang sa pagdadausan ng kasal nina Ogie Alcasid at Regine Velasquez.
Dadalo raw sila ni Raymart Santiago at tuloy na rin sa pagbakasyon ngayong Pasko. Binanggit ni Claudine noon sa story conference ng Jillian, Namamasko Po na isa sa mga araw na ito ay magsasalita siya para klaruhin ang mga naglabasang intriga tungkol sa kanya. Nasasaktan lang daw siyang ang daming naglabasan gayong tumahimik na siya at hindi na pinapatulan ang mga nagpapatutsada at nang-iintriga sa kanya.