Kasabay ng unang silip sa bagong GMA NEWS TV bukas (Lunes) nang gabi ang pagpapakilala nito sa industry partners ng Kapuso Network sa pamamagitan ng trade launch sa The A. Venue Events Hall sa Makati.
Tampok sa GMA NEWS TV ang mga balita mula umaga hanggang gabi na ihahatid nina Jessica Soho, Mel Tiangco, Mike Enriquez, Arnold Clavio, Vicky Morales at Howie Severino.
Mapapanood din sa GMA NEWS TV sina Prof. Winnie Monsod at Philippine Center for Investigative Journalism Executive Director na si Malou Mangahas.
Kabilang sa mga programang mapapanood dito ang cinematic documentaries sa primetime, isang make-over show mula sa IT Girl ng bansa ngayon, isang travel program na magdadala sa mga manonood sa kanilang dream trip, isang reality show na pagbibidahan ng isang Pinoy rock icon, at kaabang-abang na showbiz newscast.
Mapapanood ang unang silip sa GMA NEWS TV bukas sa 24 Oras ng GMA-7.