“Walang problema kung nagbida na, ‘tapos, maganda naman ang role. Maganda ang project, at saka, bakit naman ako tatanggi pa?” says Glaiza de Castro on her accepting a supporting role in the newest GMA-7 primetime series Gagambino.
Masaya si Glaiza de Castro.
Dahil after ng pinagbidahang afternoon series, ang Kaputol ng Isang Awit, may bago na ulit siyang serye at this time, balik-primetime naman nga siya via Gagambino.
“Sa wakas!” masayang sabi nga niya nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) sa bonggang press launch na ginanap kagabi sa Studio 3 ng GMA-7. “Alam mo yun? Sabi ko nga, after ng Kaputol…gusto ko namang magpahinga. ‘Tapos, parang habang tumatagal-tagal na, parang sa sarili ko lang, siguro mga three weeks, gusto ko nang umarte ulit.
“‘Tapos noong tumatagal na, parang ay, mahaba na talaga. Walang nangyayari. So, yun, medyo nainip ako. Pero yung paghihintay ko naman, worth it naman kasi, ang ganda naman talaga ng napasukan ko.”
Originally, ang alam daw niya ay sa ibang series sana siya ilalagay.
“Dapat talaga hindi ako rito sa Gagambino. Sabi nila, Lalola raw ang mauuna. ‘Tapos, biglang naging Gagambino. Yung role ko pa, hindi naman basta-basta. Mga superheroes kami.”
Isa raw siyang bubuyog dito. Nakagat daw kasi siya ng bubuyog kaya nakuha niya ang power nito.
“Yung power ko, yung boses ko, kapag mataas na at malakas, parang nakakabingi. So, yun ang pinaka-power ko. Lumilipad din ako rito. Nag-hand-to-hand combat training din kami. So, yun, more on hand movement ako rito at mabibilis na galaw.”
LOVES THE SUPERHERO ROLE. Gustung-gusto nga raw niya ang pagiging superhero niya.
“Ibang-iba talaga sa Kaputol, kasi, medyo pakwela ako dito. Light lang kaya masarap umarte.”
So, ano ang pinaka-challenge ng role niya rito?
“Siguro, yung pinaka-challenge yung mga action scenes dahil nga mga superhero kami, obligado kami na maganda yung rehistro ng mga action scenes namin. Kasi, ang laki ng responsibilities na hero ka, pero, hindi ka naman marunong makipag-away. So, dapat lang na physically trained ka.
“Ako pa naman, medyo mabilis akong mapagod kaya kailangan talaga tuluy-tuloy yung pagwo-workout at pagte-training.”
Wala raw kaso kay Glaiza kung pagkagaling niya sa isang bida role na sa Kaputol, support naman siya ngayon sa Gagambino.
“Lima naman po kaming superhero rito. At saka sa akin, walang problema kung nagbida na, ‘tapos, maganda naman ang role. Maganda ang project, at saka, bakit naman ako tatanggi pa?”
DEPRESSION AFTER A PROJECT. Alam naman daw niyang hindi siya pinapabayaan ng GMA kung kaya’t naghihintay lang siya. Although, sa tulad daw niyang nababakante ng halos dalawang buwan, aminado siyang hindi nawawala na kahit paano, medyo na-depressed siya noon.
“Opo…everytime after project, kapag tumatagal ang pahinga, dumarating talaga sa time na… ‘Ano ba ‘to? Ano ang nangyayari? Ano na ang gagawin natin? Buti na lang, si Alchris [Galura, Glaiza’s brother], buti na lang that time, nagkakaroon siya ng ibang raket. Siyempre, yung pambayad sa bahay. Pa-guesting-guesting lang ako at hindi talaga sufficient yung kinikita ko sa mga babayaran namin kaya talagang nagwo-worry ako.
“Dito naman sa Gagambino, kapag nagtuluy-tuloy ito, hopefully, makabili naman ako ng bahay. Yun naman ang goal ko ngayon.”
Sa ngayon daw, nagre-rent pa rin kasi sila ng apartment sa may Marilao. She’s hoping na kapag nakabili raw siya ng bahay, yung malapit-lapit na sa place of work nila tulad sa Quezon City.
“Gusto ko po talaga, kaso, mahal kapag malapit kasi. Pero yun po talaga ang goal ko ngayon, ang magkaroon ng sariling bahay. At sana nga po, before ako mag-twenty five, meron na kong bahay na fully-paid na.”
Sa ngayon, Glaiza is only 21 years old.
NO LOVE TEAM. Back to Gagambino, hindi pa raw niya alam kung magkakaroon ng love interest ang character niya bilang si Leah.
“Hindi ko po talaga alam, wala silang sinabi. Pero baka magkaroon ng connection sa love team naman nina Mart Escudero at Jennica Garcia.”
Yung sa kanila ni Marky Cielo, wala na muna ba since Marky is being paired again with Lovi Poe sa Lalola?
“Hindi ko rin po alam, e. Pero ano, tingin ko, pahinga muna sa mga love team ngayon. Sa akin, okey lang naman. At least, para hindi rin ma-typecast sa isip ng mga tao na isa lang ang kapareha ko. At least, mas may chance na paiba-iba naman.”