Hindi na siguro iisipin ng iba na itsa-puwera na si Chris Tiu sa GMA 7.

Heto nga at may bago siyang show, kasama si Love Añover, ang Hanep Buhay (Saturday, 7:00 a.m.).

Magbibigay ng tips at dagdag-kaalaman sa pag-uumpisa at pagpapaunlad ng sariling negosyo at iba pang usaping pinansiyal sina Chris at Love. At hindi sila dapat kuwestyunin, dahil si Chris ay mula sa pamilya ng entre-Pinoys at isa ring matagumpay na negosyante at si Love naman ay busy rin sa kanyang business na iLove Wraps! — brand ng fashionable shawls at wraps.

Sa unang episode nila, to the rescue sina Chris at Love kina Wilfredo at Jennifer Vicente sa pagu-overhaul ng kanilang karinderya. Mula sa pag-deliver ng packed lunch para sa mga empleyado, nakapagtayo ng sa*riling puwesto sina Wilfredo at Jennifer, ngunit sa ika-7 taon nila, kailangan na ng mga pagbabago sa kanilang negosyo.

Napag-alaman din ng Hanep Buhay team na kahit na humaharap sa pagsubok sina Wilfredo at Jennifer, hindi pa rin sila nakakalimot na mamahagi ng kanilang biyaya sa mga nangangailangan. Kaya naghanda sila ng makeover para matulungan sina Wilfredo at Jennifer na matupad ang kanilang pangarap para sa kanilang negosyo.

Samantala, tamang-tama sa pagpasok ng holiday season, tampok din sa pilot episode na ito ang step-by-step guide sa pag-set up ng isang food cart business.

Share