Extended ang kontrata ng Eat Bulaga sa GMA network hanggang 2015. Ginawa ang pirmahan ng kontrata last week na dinaluhan ng TAPE boss na sina Tony Tuviera, Tito, Vic and Joey, Allan K, Anjo Yllana, Ruby Rodriguez, Jimmy Santos at Malou Choa Fagar.
Sa side naman ng GMA, present sa signing sina Atty. Felipe Gozon, Gilberto R. Duavit at iba pang top executives ng network.
“Laganap kasi ang mga tsismis na lilipat ang Eat Bulaga. So sabi namin, mas mabuting ipagtibay na namin ang samahan. Parang napaaga lang ang renewal of vows!” paliwanag ni Mr. Duavit sa biglaang extension ng kontrata ng longest running noontime show.
Nagpahayag din si Mr. Tuviera ng side nila sa tsismis na lilipat sa ibang network ang prodyus nilang programa.
“Wala namang intension para umalis (sa GMA). Maganda naman ang aming pagsasama. Sixteen years na kami. Totoo ‘yon. Parang renewal of vows lang ito ngayon. Magkatulong kami. Wala kaming pinag-aawayan. Wala kaming disgusto sa isa’t isa!” pahayag ng TAPE/EB boss.
Although block timer pa rin ang programa sa network, dagdag pa ni Mr. T, may mga dagdag na magandang provisions gaya ng puwedeng magpasok ng segment ang GMA basta sa ikabubuti ng show.
“Binigyan kami ng GMA ng overtime na 30 minutes sa kontrata. 15 minutes before and after the show. Kasi nga, sa ibang network, may biglaang changes sa programming either sa simula o sa ending kaya may freedom kaming sumabay sa kalaban,” katwiran pa ng Bulaga boss.
Binigyang-diin din ni Mr. Tuviera na nagsisilbi mang public service ang ilang portions ng EB, dahilan ‘yon sa paggi-give back ng programa sa mga taong tumangkilik sa kanila ng maraming taon.
“Parang responsibilidad na namin ngayon ‘yung sana kami naman ang makatulong. Tumulong din kasi sila sa amin kaya hanggang ngayon nandito pa rin kami. Kaya nga panay rin ang pursigi namin upang magbigay ng something new. Naging formula na kasi namin ‘yon all these years!” deklara ni Mr. Tuviera.
Eh, kapag may bagong show na tumatapat sa kanila, ano ang reaksyon nila?
“Everytime na merong bagong show, talagang nagwu-worry. In our 32 years, nagmimiting pa rin kami ng gagawin at kung ano ang nangyayari sa kabila. Minsan, nag-i-speculate pa kami na ganito ang gagawin kaya pinaghahandaan na agad namin!” sey pa ni Mr. Tuviera.

