Babalik na raw sa bansa ni Nora Aunor bago ang kanyang birthday sa Mayo 21.
Nakatakda raw sunduin si Mama Guy sa Amerika ng agent niyang si Albert Sunga.
Ayon kay German Moreno, nakausap niya noong Biyernes ang superstar at uuwi na raw ito ng Pilipinas.
Nabanggit din ni Kuya Germs na napag-usapan nila ni Mama Guy na hindi magbibigay ng down payment ang anumang TV station na may offer sa premyadong aktres hanggang hindi ito nakakabalik ng Pilipinas.
Tanggap daw ng superstar ang bagay na ‘yon.
Ayon sa TV5, may offer sila na apat na episodes ng Star Confessions sa superstar at alam din nila na gagawa ng episode sa Maalaala Mo Kaya si Nora sakaling umuwi ito sa Pilipinas.
Okay lang sa TV5 na lumabas sa ibang TV station ang superstar.
Hindi raw iaasa ng superstar sa TV5 ang plane ticket niya pabalik ng bansa.
Ang superstar daw mismo ang gagastos sa pamasahe niya pabalik dito sa Pilipinas.
Samantala, noong Biyernes din ay may nagkuwento sa akin na nagpadala si Mama Guy ng pera para pambili ng cellphone ng anak niyang si Kenneth.

