Paano kung ang tunay na nakakatakot ay ang iyong pinaniniwalaan?
Ngayong July 30, humanda ang moviegoers na magkatotoo ang kanilang pinakamasamang bangungot dahil handog ng GMA Pictures at GMA Public Affairs ang “P77,” – isang psychological horror film na tiyak na magpapakapit sa kanila sa kanilang mga upuan.
Ang P77 ay mula sa mga lumikha ng award-winning films na “Firefly” at “Green Bones” at ng box office hit na “Mallari.”
Tampok sa kanyang kauna-unahang lead role sa isang horror film si Kapuso Primetime Princess Barbie Fortez na siguradong magpapamangha sa mga manonood.
Makakasama ni Barbie sina “Firefly” child star at award-winning child actor Euwenn Mikaell, veteran actors Jackielou Blanco, Carlos Siguion-Reyna, Gina Pareño, Rosanna Roces, kasama sina Chrome Cosio at JC Alcantara.
Ang “P77” ay tungkol sa pag-alis ni Luna (Barbie) sa kaniyang trabaho sa cruise ship upang tulungan ang may sakit na kapatid (Euwenn). Kalaunan ay malalaman niyang nawawala ang kanilang nanay (Rosanna), at patuloy pang lumalala ang kundisyon ng kapatid niya. Dahil dito, palihim nilang papasukin ang Penthouse 77, isang condo unit, ngunit madidiskubre nilang hindi ito isang ordinaryong penthouse.
Tatalakayin din ng pelikula ang PTSD o Post-Traumatic Stress Disorder.
“Napaka-grounded ng story namin – it revolves around family. It will also delicately delve into PTSD or Post-Traumatic Stress Disorder. Aside from the jumpscare, this is also an awareness para mas lumawak ang ating intindi sa mga taong may PTSD,” ayon kay Barbie.
Base ang P77 kuwentong likha ng “Greenbones” creators na sina Anj Atienza at Kristian Julao. Ang screenplay nito ay mula ng award-winning writer na si Enrico Santos sa direksyon ni New Generation Thrillmaker Derick Cabrido na kilala sa kanyang mga successful horror movies kasama ang 2023 thriller film na “Mallari.”
Kilala ang GMA Pictures sa paglikha ng mga de-kalidad na horror films, kabilang ang mga pumatok na pelikulang The Road, Ouija, Basement, at Kubot: The Aswang Chronicles. Hangad ng “P77” na ipagpatuloy ang legacy na ito sa pamamagitan ng paghahatid ng isang natatangi at di-malilimutang pelikula na di dapat palampasin ng moviegoers.

Mapapanood sa cinemas ang “P77” mula July 30 sa ilalim ng distribution ng Warner Bros. Pictures. Handa ka na bang pasukin ang unit P77? Para sa ibang news and updates, bisitahin ang www.GMANetwork.com.

